Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Prepaid electricity ng MERALCO, maaari nang magamit ng ilang consumer

$
0
0

MERALCO Prepaid Electricity load rates (UNTV News)

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Manila Electric Company o MERALCO ang prepaid electricity o kuryente load.

Isa itong alternatibong paraan para sa mga consumer na gustong makatipid sa kunsumo sa kuryente kung saan maaaring mabili ng mga consumer ang kuryente ng tingi sa partikular na halaga gamit ang kuryente load.

Maaaring magpaload sa Meralco Bayad centers o di kaya’y sa mga load retailer sa halagang P100, P200, P300, P500 at P1,000. Walang expiration ang load kaya maaari itong magamit kahit gaano katagal, kailangan lamang maintaining balance sa load.

Ayon kay MERALCO Spokesman Joe Zaldarriaga, pareho lamang ang rate ng prepaid na kuryente at postpaid, ang kagandahan lang sa paggamit ng prepaid electricity ay mas madaling maba-budget ang pagkonsumo at gastos sa kuryente.

“Matutulungan ang mga customer natin na mamonitor unang una at makontrol ang kanilang konsumo kaya pasok ito sa budget.”

Araw-araw ay magpapadala ng libreng txt ang MERALCO upang malaman kung magkano na lamang ang inyong balance.

Magpapadala rin ng confirmation at reminder thru txt ang MERALCO kapag nagpaload o kung papaubos na ang load.

Sa mga nais mag-apply, walang kailangang bayaran na service deposit, libre ang installation fee, at kung maputulan ng kuryente ay wala ring reconnection fee. Ayon pa sa MERALCO, ito ay prepaid kaya wala ka ng matatanggap na monthly electric bills.

Samantala, positibo naman ang pagtanggap ng mga costumer ng MERALCO sa prepaid electricity.

Ayon kay Aling Ester Esguerra, mayroon siyang paupahan na walong apartment at lahat ito ay gumagamit ng prepaid electricity.

Ayon sa kanya, problema niya dati na madalas natatakasan ng mga boarder at naiiwan sa kanya ang bills ng kuryente.

“Ngayon load muna, bayad muna bago nila gamitin, umalis man sila wala ng problema hindi na ko maghahabol,” saad ni Aling Ester.

Ayon sa MERALCO, magagamit muna ang prepaid electricity sa Angono at Taytay Rizal bago masundan sa mga barangay sa malalaking syudad ng Metro Manila.

Tiniyak naman ng MERALCO na secure ang sistema at hindi magkakaroon ng nakawan ng load gaya ng madalas na nangyayrari sa mga cellphone.

Sa mga nais magapply, maaaring magsadya sa MERALCO business center o di kaya’y tumawag sa hotline number 1622-7737. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481