KUALA LUMPUR, Malaysia – Patuloy pa rin ang paghahanap sa eroplano ng Malaysia Airlines na nawala noong nakaraang Marso 8, 2014 patungong Beijing, China lulan ang 239 pasahero.
Sa ika-siyam na araw ng search operations, umaasa ang Malaysian government na makakakita na sila ng liwanag sa tunay na kalagayan ng mga pasahero at crew, at kung ano ang nangyari sa eroplano.
Sa ngayon ay pinalawak pa ng mga awtoridad ang paghahanap sa eroplano hanggang border ng Kazakhstan, Turkmenistan at Indian Ocean, habang hiningi na rin ng Malaysia ang karagdagang satellite data mula sa America, China at France
Ayon kay Malaysia’s acting Transportation Minister Hishammuddin Hussein, dalawamput limang bansa na ang katuwang nila sa paghahanap sa nawawalang passenger plane.
“The search area has been significantly expanded and the nature of the search has changed. From focusing mainly on shallow seas, we are now looking at large tracks of land crossing 11 countries as well as deep and remote oceans. The number of countries involved in the search and rescue operation has increased from 14 to 25 which brings new challenges of coordination and diplomacy.”
Inaalam na rin ng mga awtoridad ang background ng piloto at co-pilot nito matapos mapagalaman na hindi dapat magkasama ang dalawa sa naturang flight.
Sinisiyasat na rin ang natagpuang flight simulator sa bahay ng piloto noong Sabado.
Una nang tiniyak ng mga bansa na malinis ang record ng mga nationalities na nakasakay sa naturang biyahe.
Sa ngayon ay iba’t ibang teyorya at anggulo na ang pinag-aaralan ng mga awtoridad kabilang na ang posibilidad ng hijacking matapos lumabas ang ulat na sadyang pinatay ang communications at tracking system ng eroplano at lumihis ito ng direksyon.
“The four areas of focus of our investigation, number one, hijacking, number is sabotage, number three, personal problem and number four, psychological problem, that doesn’t change and that includes all the ground staff, everybody,” saad ni Khalid Abu Bakar, inspector general of the Royal Malaysian Police Force.
Naniniwala ang ilang aviation experts na isang magaling na piloto at bihasa sa cockpit control ng eroplano ang maaaring mag-switch off ng communication at tracking system upang hindi ito ma-detect sa alinmang civilian o military radar system sa lupa at himpapawid.
Sakali naman aniyang nag-landing ito sa ibang lugar, kailangan nito ang isang runway na may haba na higit sa isang kilometro upang mailapag ang Boeing 777 aircraft. (Irish Ilao / Ruth Navales, UNTV News)