MANILA, Philippines – Nagtitiwala pa rin si Pangulong Benigno Aquino sa kakayahan ni Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala sa kabila ng pagkasangkot nito sa di-umano’y pork barrel scam.
Ayon sa pangulo, nakita nito ang ilang nagawa ni Alcala sa ahensya at nararapat na bigyan ng pagkakataon upang magpaliwanag sa isyung kinasangkutan.
“September ata ng 2013, stable po ang presyo ng bigas at at hindi tayo pumayag na dagdagan ang import na lampas sa minumungkahi ng DA, so yung stability ng presyo indicative na mukhang tama ang sinasabi ng DA, so yun po nanggaling sa trabaho si Sec. Alcala,” pahayag ng Pangulo.
“So ang balanse po nito may nagawa siyang positibo merong akusasyon ngayon tulad ng sinoman palagay ko may karapatan na presumption of innocence until proven guilty,” dagdag pa nito.
Sinabi din ni Pangulong Aquino na dapat ay magpakita ng matibay na ebidensya ang sinomang nagaakusa kay Alcala.
“Siguro part of the democratic process, ipakita yung talagang extreme ng kanilang mga pananaw.”
Ilan sa akusasyon sa DA ang umano’y halos isang bilyong pisong mula sa public funds na napunta di umano sa kalihim at sa ilang opisyal ng National Agribusiness Corporation (NABCOR).
Matatandaang una na ring pinabulaanan ng kalihim at ng NABCOR ang naturang alegasyon. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)