MANILA, Philippines – Naniniwala si Agriculture Secretary Proceso Alcala na maaabot ng pamahalaan ngayong taon ang 100% rice sufficiency ng bansa.
Ayon kay Alcala, inihahanda na ng kagawaran ang rice self-sufficiency program upang makamit ang sapat na ani ng bigas sa bansa at hindi na mag-angkat sa ibang bansa.
“Itutuloy po natin ang ating interventions na malaki ang naambag sa ating mataas na ani,” anang kalihim.
Dagdag pa nito, “Ang bottom line po at sustainability ng ating programa is how to lower the prod cost, importante po ito ha. Dapat mapababa po natin ang production cost, mas nandun ang interest ng ibang tao na makapasok ng mas murang bigas.”
Sinabi ng kalihim na nasa 19 million metric tons (MMT) ng bigas ang dapat sanang naging produksyon noong 2013, subalit umabot lamang ito sa 18.44 MMT.
Ito ay dahil sa sunud-sunod na kalamidad na sumira sa mga pananim na palay sa buong Luzon, Visayas at Mindanao.
Ngunit ayon sa kalihim mula noong 2010, patuloy ang pagtaas ng ating rice sufficiency level kaya naniniwala ito na nasa tamang direksiyon ang bansa upang marating ang pinakakaasam na one hundred percent rice sufficiency status.
“Last year po, tayo ay naka-harvest ng 18.44 MMT, ito ang pinakamataas na harvest sa buong Pilipinas buhat po nang tayo ay natutong magtanim, ito ang highest yield natin. Gusto ko pong i-remind na in 2010, ito po ay 82% rice sufficiency level natin, ngayon naging 96% na, so siguro po hindi sya ganun kasama just within three years na na-attain natin to. We are on the right track,” pahayag pa ni Alcala. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)