MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos-protesta sa harapan ng opisina ng Department of Justice sa Maynila ang grupong KARAPATAN upang ipahayag ang kanilang mariing pagkondena sa pag-aresto kay Andrea Rosal, anak ng dating tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines na si Ka Roger Rosal.
Ayon sa grupo, ilegal ang pag-aresto sa anak ni Ka Roger at sa dalawa pa nitong kasamahan.
Si Andrea Rosal na walong buwang buntis at malapit nang manganak ay inaresto kahapon sa Caloocan City ng pinagsanib na pwersa ng militar at National Bureau of Investigation at kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng NBI sa lungsod ng Maynila.
“Mana-mana na lang po ba talaga ang mga kaso ngayong mga panahon na to? dahil si Andrea ay isang simpleng anak lamang ng nasirang Ka Roger Rosal, yung CPP spokespersona at wala po siyang kinalaman sa lahat ng mga kasong inihahabla laban sa kanya,” mariing pahayag ni Cristina Palabay, Secretary General ng KARAPATAN.
Ayon sa abogado ni Andrea na si Attorney Jon Montemayor, hindi pa nila alam ang eksaktong akusasyon laban sa anak ni Ka Roger.
Nakita lamang umano nila ang kopya ng warrant of arrest na ibinase sa kasong kidnapping with murder sa Mauban, Quezon.
Sa ngayon ay mas kailangan aniyang pagtuunan ng pansin ang kalagayan ni Andrea dahil malapit na itong manganak.
“We are trying to arrange na mabigyan siya ng doktor na pinili niya at kung ano man yung sinabi ng doktor kailangan namin yun iharap sa hukuman at yung hukuman yung magsasagawa nung desisyon at kung ano pa yung mga iba pang pwedeng gawin for the consideration of her pregnancy,” pahayag ni Montemayor sa isang phone interview.
Samantala, kinondena rin ng KARAPATAN ang umano’y lumalalang kaso ng extra-judicial killings sa bansa.
Base sa datos ng grupo, labing-siyam na miyembro ng progresibong mga organisasyon na ang napapatay mula Enero hanggang Marso ng taong ito.
Pinakahuli na dito ang pamamaslang sa provincial coordinator ng Bayan Muna sa Kiangan, Ifugao nito lamang nakaraang Martes.
Ani Palaban, “Panawagan namin kay Pangulong Aquino itigil na yung pambobola sa taong-bayan na para siya sa kapayapaan.”
“Kung para siya sa kapayapaan, dapat itigil niya itong mga pagpatay at ilegal na pag-aresto,” dagdag pa niya. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)