SOUTH AMERICA —Lima na ang naitalang nasawi matapos yanigin ng 8.2 magnitude na lindol ang Chile nitong Miyerkule ng umaga sa oras ng Pilipinas.
Tatlo sa mga nasawi ay nabagsakan ng gumuhong pader habang ang dalawa naman ay inatake sa puso.
Batay sa US Geological Survey, naitala ang sentro ng lindol 86 kilometers hilagang-kanluran ng Iquique.
Kaugnay nito, naglabas ng tsunami warning sa buong Pacific Coast ng South at Central America kabilang ang Peru, Ecuador, Columbia.
Aabot sa pitong talampakan ang naitalang taas ng alon kaya agad na pinalikas ng mga awtoridad ang libu-libong residente malapit sa dagat.
Sanhi rin ito ng malawakang power blackout, pagbagsak ng linya ng komunikasyon, landslides at ilang sunog.
Samantala, aabot sa tatlong daang preso rin ang iniulat na nakatakas sa Northern Port City ng Iquique matapos ang insidente.
Nagdeklara na ng emergency zone si Chilean President Michelle Bachelet sa tatlong lalawigan na naapektuhan ng lindol habang nanatili naman ang tsunami warning sa Chile at Peru. (UNTV News)