MANILA, Philippines — Binigyang diin rin ng Malakanyang na wala silang kakampihan kahit na makasama pa sa mga iri-rekomendang kasuhan ng pandarambong ang mga kaalyado ng administrasyon.
Pahayag ni Presidential Communication and Operations Office Sec. Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. “Sinabi ng ating Pangulo, ‘Let the evidence direct the course of the inquiry’. Kaya naman lahat ng isinagawa ng Department of Justice, NBI ay patungkol sa pagkalap ng ebidensya. Ito ay isinagawa nila sa kanilang mandato.”
Dumistansya rin ang Malakanyang sa alegasyon na pinepersonal na umano ng Palasyo sina Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Kaugnay ito sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kasong plunder ang tatlong Senador at sa pahayag ng Office of the Ombudsman na may nakitang probable cause upang masampahan ng kaso sa Sandiganbayan ang tatlong senador.
Ayon kay Sec. Coloma, walang kinalaman ang Malakanyang sa desisyon ng Office of the Ombudsman.
“Ginampanan na po ng sangay ng ehekutibo ang nararapat patungkol doon sa naunang kaso kaya kapag ang kasong iyon ay nasapangangasiwana ng Ombudsman at sa mga susunod na hakbang sa Sandiganbayan malinaw naman na nasalabas na ito ng sakop ng ehekutibo.” (NEL MARIBOJOC / UNTV News)