MANILA, Philippines — Tukoy na ang pagkakakilanlan sa Filipinang kinidnap sa Sabah noong Miyerkules.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, batay sa impormasyong ibinigay ng local police authorities kay Philippine Ambassador to Malaysia Eduardo Malaya ang dinukot na Pilipina ay nakilalang si Mercelita M. Dayawan, 40 years old at staff member ng Singamata Resort sa Semporna.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang embassy official sa kaanak ni Ginang Dayawan upang magbigay ng tulong.
Nagtutulungan na rin ang Pilipinas at Malaysia para sa agarang pagbawi kay Dayawan.
Bagama’t may mga suspek na inihayag ang Malaysian authorities, beniberipika pa rin ito ng Philippine National Police o PNP.
Pahayag ni DFA Spokesperson Usec. Charles Jose, “Meron silang statement to that effect, meron silang mga suspects pero hindi natin pwedeng… hanggat verified ng sarili nating authorities like PNP natin or military bago natin matiyak.”
Nitong Huwebes, natanggap ng DFA ang ulat na may isang Filipina at Chinese national na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Singamata Resort sa Semporna, Sabah noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa DFA, kaagad na inalerto ng police attache sa Sabah ang PNP sa pangyayari sa pag-asang mahuli ang mga dumukot sa dalawa.
Sa ngayon ay patuloy ang koordinasyon ng PNP Maritime units at anti-kidnapping operatives sa Malaysian counterparts upang magpalitan ng impormasyon sa mabilisi na resolusyon sa nasabing kaso. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)