MANILA, Philippines — Binatikos ni Senador Jinggoy Estrada ang ilang senador na umano’y ginagamit ang PDAF Scam probe sa pamumulitika.
Ginawa ni Estrada ang pahayag sa kanyang speech sa graduation rites ng Pamantasang Lungsod ng Maynila sa PICC, Martes, Abril 22.
Ani Sen. Estrada,“Dapat siguro mag-enroll din dito ang ilang mga kasama ko sa Senado para maintindihan nila ang kahulugan ng ethics, ng selective justice at ang prinsipyo ng patas na imbestigasyon… hindi tama na lagyan ng bahid ng ambisyon sa pulitika ang isyu ng hustisya.”
Ayon kay Estrada, bugbog na bugbog na sila sa sa social media at ito lamang ang kanyang pagkakataon upang maihayag ang kanyang panig.
Hindi rin nakaligtas kay Estrada ang ginawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Maski ang imbestigasyon sa (Senate) Blue Ribbon Committee, hindi pa tapos ay alam na kung ano ang magiging resulta. Hindi ba’t noong tumestigo iyong isang nagpapanggap na whistleblower ang komentaryo ng chairman ‘Ang testimonya daw at three pont shot buzzer beater winning basket?’”
Sa kanyang talumpati sinabi ni Estrada na hindi siya magbibitiw sa tungkulin, “No. I will not resign. At katulad din ng karapatan kong ipagtanggol ang aking sarili at ipaglaban kung anuman ang dapat, kaya’t huwag niyo rin sanang ipagkait sa akin ang mga karapatan kong ito.”
Samantala, naniniwala si Estrada na hindi tetestigo laban sa kanya at kay Senador Juan Ponce Enrile si Atty. Gigi Reyes na sangkot rin sa PDAF scam.
“Pagkakaalam ko, I haven’t talk to her. Eh siguro napagod na. She really wants to face charges against her. Walang rason na babaligtad, o ididiin nya si JPE o ididiin niya ako, walang ganun,” ani Sen. Jinggoy Estrada. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)