MANILA, Philipppines — Common friend ni Janet Lim Napoles at Secretary Ping Lacson ang kumontak sa kanya at nagsabing gustong makipag-usap ng di-umano’y utak ng PDAF scam upang ibunyag ang lahat ng kanyang nalalaman sa anomalya.
Naging tauhan din ni Lacson ang taong sinasabing kumontak sa kalihim.
Pumayag si Lacson nguni’t kailangang ang mister muna ni Napoles ang kanyang kakausapin.
Dala ng mister ni Janet Napoles ang draft affidavit ng testimonya o narration of facts ni Napoles na ayon kay Lacson ay halos one-fourth ng isang rim ng bond paper ang kapal.
Taong 2000, nagsimula ang narration at nakasaad kung papaano lumago si Napoles sa pagiging negosyante.
Nakasaad din sa nasabing dokumento ang mga pangalan ng mga senador, kongresista at cabinet secretary na sangkot sa pork barrel scam at iba pang transaksyon, komisyon at kickbacks .
Ayon sa kalihim, may dati at kasalukuyang opisyal nang pamahalaan ang nasa listahan na nasa oposisyon at kaalyado ng administrasyon.
“May listahan ng mga senador, congressmen at saka mga executive officials, kasama sa listahan. All I can say, sa Senate may quorum. Doon sa house, mahaba ang listahan mahirap i-memorize ang mga pangalan… Sabi ko may quorum so at least 12 yung nasa listahan… Halo-halo doon. There are names that you won’t expect to be there. Mayroong pangalan na naduun na maingay, may di masyadong maingay, may tahimik — halo-halo. May na-mention na cabinet (member) doon.”
Dagdag pa ni Sec. Lacson, 40 to 60 percent ang komisyon batay sa dokumentong ibinigay sa kanya.
Nakasaad din in pesos at centavos kung magkano at kanino napunta ang komisyon, petsa at number ng SARO o Special Allotment Release Order at kung kailan at papaano ang transaksyon at iba pang pangalan na di pa nababanggit.
Nguni’t para sa isang dating law enforcer, kulang umano ang draft affidavit ni Napoles. Aminado naman dito ang mister ni Napoles.
Pahayag pa ni former PNP Chief Lacson, “May iba akong information from other sources na wala doon. Kaya ang tanong ko. ito na ba yung ‘tell all’? Kasi kung sa level ko pa lamang hindi ko na ma-validate na ito ay ‘tell all’. Eh, bakit ko dadalhin gusto ko solid muna hawak ko.”
Ang mister ni Napoles na si Jimmy ang tumayong emisaryo kay Lacson at magsasaayos ng schedule ng pakikipagusap sa kalihim kasama ang dalawang anak nito.
Hindi man natuloy ang pakikipagkita ni Napoles natutuwa si Lacson dahil si Sec. De Lima ang kinausap nito.
“Im happy that she contacted Sec. De Lima. At least the information will be at good hands and good use. Sec. De Lima is no non-sense at saka more or less na may assurance na di isa-sanitize.”
Ayon pa kay Lacson, batay sa kanyang nabasa sa mga news report halos pareho ang draft affidavit na ibinigay ni Napoles sa kanya at kay Secretary De Lima.
Inihayag din ni Lacson na kaya siya nilapitan ni Napoles ay dahil umano sa nakakatiyakang mga ito na hindi siya tumanggap ng pork barrel, nakahanda ring ilantad ni Lacson ang nasabing impormasyon oras na magkaroon ng coverup sa isyu ng PDAF Scam. (BRYAN DE PAZ, UNTV News)