MANILA, Philippines — Nababahala na umano ang ilang civil society groups sa pakikisali ng ilang pulitiko sa kaso ng pork barrel scam.
Ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption o VACC, naniniwala sila na hindi maganda ang epekto ng pagsasalita ni dating Senador Ping Lacson tungkol sa mga pangalang isinangkot ni Janet Napoles sa anomalya.
Mailalagay lamang umano nito sa alanganin ang kasong hinahawakan ng DOJ.
Pahayag ni VACC Founding Chairman Dante Jimenez, “Kung magsasawsaw dito ang mga pulitiko lalo na yung mga statement, yung mga affidavit daw ni Napoles thru Jimmy Napoles, unsigned po yan. These are just hearsay.”
Ayon pa kay Jimenez, may kanya-kanyang agenda ang mga pulitiko.
Kaya upang huwag magkaroon ng kalituhan, dapat umanong hayaan na lamang ang DOJ na suriin at mabusisi ang sinumpaang salaysay ni Napoles.
Buo umano ang paniwala ng VACC sa sinabi ni Secretary Leila de Lima na susuriin pa ng DOJ kung totoo at may basehan ang testimonya ni Napoles.
“Kung mayroon man siyang information or any politician for that matter, dapat po ideretso niya kay Secretary De Lima. Hindi yung credit-grabbing,” ani Jimenez.
Nagbabala rin ang VACC na posibleng maulit ang Million People March sa Luneta kapag hindi nahawakan ng tama ang kaso ng pork barrel scam. (RODERIC MENDOZA, UNTV News)