MANILA, Philippines – Grand finalist na ng A Song of Praise Music Festival ang awiting “Kislap” matapos itong tanghaling song of the month sa buwan ng Abril noong Linggo ng gabi.
Kapwa ikinatuwa ng kompositor na si Oliver Narag at ng interpreter nito na isa ring kompositor na si Jessa Mae Gabon ang kanilang pagkapanalo.
Magiging magandang tandem ito ng dalawa dahil pagtutulungan nilang pagandahin ang awit sa darating na grand finals.
Ayon kay Oliver, “Nakaka-excite po nang mangyari ‘yun. Grabe po sa saya.”
“Tutulong po ako sa music niya, sa arrangement, sa lyrics, magko-comment comment. Hindi naman sa’kin ‘yun eh, sa kanya pa rin so, basta magtutulungan kami,” pahayag naman ni Jessa Mae.
Samantala, dagdag karanasan para sa OPM icon na si Lolita Carbon ang pagiging panauhing hurado ng ASOP at naniniwalang malaking tulong ang programa sa industriya ng musika sa bansa.
Aniya, “Bilang manunulat din ng mga awitin nadadagdagan na naman ang aking karanasan dahil nakaka-inspire ang mga kompositor na lumikha ng songs of praise noh. Ang gagaling nila at lalawak pa ‘to.”
Hinangaan rin ng premyadong singer ang angking galing sa pagsusulat ng awit ng mga sumasali sa naturang songwriting competition.
“Ang tatalino nilang magsulat. Eto talaga ‘yung dapat sinusuportahan talaga at napakaganda ng programang ito dahil parang tinutulak sila para lumikha pa ng marami at marami pang madidiskubre,” saad pa ng OPM icon. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)