MANILA, Philippines — Nakaalis na ng Pilipinas si US President Barack Obama pasado alas-onse kaninang umaga matapos ang kanyang two-day state visit.
Unang lumapag sa Balagbag Ramp ng AGES Aviation Center, Inc. sa Pasay City ang tatlong US military chopper, sinundan ng escort chopper saka lumapag ang Marine One na sinasakyan ni US President Barack Obama.
Nakapwesto rin sa tarmac ang presidential state car na “The Beast” at ilang escort vehicles.
Pagbaba ng Marine One, agad kumaway ang presidente saka naglakad sa red carpet. Sinalubong at kinamayan ito ng send off party na kinabibilangan nina Vice President Jejomar Binay, Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario, Philippine Ambassador to US Jose Cuisia, Major Jeffrey Delgado ng Philippine Air Force at MMDA Chairman Francis Tolentino.
Pag-akyat ng Air Force One, muling kumaway ang presidente bago pumasok sa loob ng eroplano, 11:16 ng umaga.
Eksaktong 11:29 kanina nang magtake off sa runway 06-24 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Balagbag Ramp ng AGES Aviation ang Air Force One sakay si President Obama pabalik ng Amerika.
Muling ipinatupad ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang no-fly zone tatlumpong minuto bago lumapag sa AGES Aviation ang Marine One at hanggang sa makaalis ang Air Force One.
Maging ang mga kawani ng media ay dumaan sa tatlong security inspection na isinagawa ng PSG at US Secret Service.
Ayon sa US Embassy, ang Air Force One ay tutungo muna ng Elmendorf Air Force Base sa Anchorage Alaska para sa re-fueling bago tumulak patungong Washington DC.
Ayon kay DFA Secretary Albert Del Rosario, sandali lang ang usapan nila ni Obama at nagpasalamat ito sa kanyang pagbisita sa bansa.
“I mention to him that we are proud and grateful for the partnership and alliance and the friendship and I wish him god speed,” anang kalihim.
Inaasahang sa susunod na taon ay babalik sa bansa si Obama upang dumalo sa APEC Summit. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)