MANILA, Philippines – Pinagbigyan na ng Office of the Ombudsman ang hiling na immunity ni Ruby Tuason kaugnay sa Priority Development Assistance Fund cases.
Base ito sa rekomendasyon ng special panel na nagsagawa ng preliminary investigation sa kaso.
Sa limang pahinang immunity agreement ng Ombudsman at ni Tuason, binigyan ito ng immunity sa criminal prosecution sa PDAF cases kapalit ng kanyang pagtestigo at pagsisiwalat sa kanyang nalalaman sa maling paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas.
“Under RA 6770, the Ombudsman has the authority to grant immunity from criminal prosecution to any person whose testimony or possession ir prod of docs or evidence may be necessary to determine the truth in any proceeding,” pahayag ni Asryman Rafanan, Spokesman and Assistant Ombudsman.
Ayon kay Rafanan, sakaling mabigo o may malabag si Tuason sa kanyang sinumpaang salaysay at sa immunity agreement, mapapawalang bisa ang immunity na ibinigay sa kanya.
Ibabalik rin si Tuason sa pagiging respondent at isa sa mga akusado sa kaso.
Samantala, naisoli na rin ni Tuason nitong hapon ng Biyernes ang nakuha nitong 40-milyong piso mula sa mga maanomalyang transaksyon.
Sa simpleng turnover sa Ombudsman building, nagbigay ng manager’s check si Tuason na nakapangalan sa Republika ng Pilipinas na sinaksihan nina Ombudsman Conchita Carpio Morales at Justice Secretary Leila De Lima.
Samantala, hindi naman pinangalanan ni Rafanan kung kanino at saan galing ang perang isinaoli ni Tuason.
Aniya, “We really don’t know. That is up to Tuason, the important thing is that she was able to produce and turn the amount in full.”
“Nai-remit na kaagad ang salaping isinoli ni Tuason sa national treasury.”
Nilinaw naman ng Ombudsman na ang immunity na kanilang ibinigay kay Tuason ay para lamang sa PDAF scam at hindi kasama ang Malampaya Fund Scam. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)