MANILA, Philippines — Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang Kabataan Partylist, kasama ang ilang estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad upang pigilan ang pagpapatupad ng pagtataas ng tuition ng 354 na paaralan sa bansa.
Sa naturang petisyon, hiniling din ng youth groups at student leaders sa kataas-taasang hukuman na ideklarang invalid ang bagong aprubang tuition increase at iba pang bayarin dahil hindi umano ito naisailalim sa reasonable regulation and supervision na nakasaad sa 1987 constitution.
“Importante po talaga na mapigilan ito dahil dapat hindi stamp pad ang CHED ng mga private schools sa usapin ng pagtaas. Sa ilalim ho ng ating saligang-batas, kailangan pong mai-regulate reasonably ang lahat ng mga educational institutions,” pahayag ni Atty. Terry Ridon, National President, Kabataan Party-list.
Partikular na kinukwestyon sa petisyon ang ligalidad ng Section 42 ng Education Act of 1982 at ang Memorandum Order ng Commission on Higher Education (CHED) na siyang ginamit na batayan sa pag-apruba ng tuition increase at iba pang bayarin sa mga paaralan.
Nais din ng petitioners na ideklarang invalid ang mga ipinatupad na dagdag matrikula nitong mga nakalipas na taon na ibinatay sa kinukwestyong batas at regulasyon ng CHED.
Inihain ang petisyon matapos aprubahan ng CHED ang kahilingan ng daan-daang eskwelahan sa bansa na makapagtaas ng tuition. (Bernard Dadis & Ruth Navales, UNTV News)