MANILA, Philippines – Naitala sa unang tatlong buwan ng taong 2013 ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Batay sa National Statistical Coordination Board (NSCB), pumalo sa 7.8 percent ang Gross Domestic Product (GDP) ng ating bansa sa unang bahagi ng taon.
Ang GDP ay ang kabuoang halaga sa merkado ng lahat ng produkto at serbisyong kinita ng isang bansa sa isang takdang panahon. Ang GDP rin ang sukatan kung gaano kalaki ang ekonomiya ng isang bansa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ito na ang pinakamataas na antas ng GDP growth ng Pilipinas sa ilalim ng Administrasyong Aquino at maging sa mga karatig na bansa.
“The Philippines’ GDP grew by 7.8 percent, the highest quarterly growth rate posted under the Aquino administration; and the highest in a non-presidential election year since 1988. Based on initial readings, our economy outperformed that of all Asian economies in terms of first quarter growth.”
Pumangalawa sa Pilipinas ang China (7.7%), pangatlo ang Indonesia (6.0%), sumunod ang Thailand (5.7%) at Vietnam (4.9%).
Ayon sa NSCB, malaki ang naging kontribusyon sa record breaking na GDP growth ng Pilipinas ang sektor ng manufacturing (9.7%), agrikultura (0.8%)at services (2.2%).
Naging malaking tulong rin ang 13.2 percent na pagtaas ang ginawang paggasta ng pamahalaan sa iba’t ibang proyekto, partikular sa public construction (45.6%).
Ayon sa Palasyo patuloy silang tututok sa mga sektor na makatutulong upang maramdaman ng mga mamamayan ang pagunlad ng bansa.
Sa ngayon ay isang hamon sa pamahalaan na mapanatili ang patuloy na pagbuti ng ekonomiya ng bansa at matiyak na mararamdaman ang epekto nito ng maraming mahihirap na Pilipino. (Nel Maribojoc & Ruth Navales, UNTV News)