MANILA, Philippines – Inaasahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mararamdaman na ngayon ng sektor ng paggawa ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, ang 7.8% GDP growth sa 1st quarter ng taon ay posibleng makatulong sa pagpapababa ng unemployment rate sa bansa at sa problema ng mga mangagawa sa informal sectors.
Ang informal sector workers ay mula sa hanay ng mga vendors, jeepney drivers, construction workers at agricultural sector workers na tinatayang nasa 15-milyon.
“Kung lalaki yung wage and salary, sa manufacturing then yan talaga yung may regularity ng income pati security ng job.”
Napagkasunduan kanina ng mga labor group at 23 ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga mangagawa sa informal sectors.
Ayon kay Baldoz, bukod sa tulong na pangkabuhayan ay sisikapin din ng gobyerno na maging miyembro ang mga ito ng SSS, PAGIBIG at Philhealth.
“So yung kanilang need for medical insurance, yung kanilang need for employers compensation pag nagtatrabaho sila tapos nagkaroon ng aksidente, nasugatan o nagkaroon ng injury and worst minsan namamatay papaano yung naiiwan nila so ito yung benepisyo na magbibigay sa kanila ng ganitong protection.”
Target ng DOLE na matulungan ang 2.5 million na nasa informal sector sa loob ng tatlong taon. (Rey Pelayo & Ruth Navales, UNTV News)