MANILA, Philippines — Hinimok ng isang abogado ang Korte Suprema na utusan si Secretary Leila de Lima na ilabas na ang listahan ni Janet Napoles.
Sa Petition for Mandamus na inihain ni Atty. Napoleon Arenas Jr., hiniling nito na maglabas ng kautusan ang korte at pilitin si Secretary de Lima na isapubliko ang listahan.
Ayon sa abogado, may obligasyon si De Lima na isapubliko ang naturang listahan sa ilalim ng Section 7 Article 4 ng Saligang Batas.
Maituturing umano na public concern ang listahan ni Napoles kayat may karapatan ang publiko na alamin ang nilalaman nito.
Malaki rin umano ang interes dito ng publiko dahil may kinalaman ito sa accountability ng mga opisyal ng gobyerno at sa paggastos sa kaban ng bayan. (UNTV News)