MANILA, Philippines — Sinimulan na ngayong araw, Miyerkules, ng Right to Know, Right Now (R2KRK) Coalition ang signature campaign upang ipanawagan ang agarang pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) Bill na halos dalawang dekada nang nakabinbin.
Kapag nakatipon ng sapat na bilang ng lagda ay saka isusumite ng grupo ang dokumento kay House Speaker Sonny Belmonte at kay Pangulong Aquino bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.
Maaring gawin ng mga supporter ang pagpirma sa ng pagbisita sa www.change.org/tayonaparasafoi hanggang Hulyo 20.
Sinabi ni Akbayan Representative Kaka Bag-ao na sa apat na taon na panunungkulan ni Pangulong Aquino, naniniwala ang grupo na hindi na kailangan ang debate ukol sa panukala at panahon na upang ito’y maisabatas.
“Tingin ko ay parang walang dahilan para magkaroon pa ng debate, agam-agam, dis-agreements kasi pag tinanung mo naman yung lahat ng kongresistang nandun, authors, members ay nag-a-agree naman sila na yung version na yun ay acceptable na so wala ng reason para i-delay siya.”
Pasado na sa senado ang bill subalit nanatiling nasa technical working group pa lamang ang pagdinig sa mababang kapulungan ng Kongreso.
“Well una sa lahat we have 288 representatives and we have almost 30 bills, halos lahat naman nagkakasundo pero may mga bill na medyo may conflicting provisions. Gusto namin sana within this session before kami mag-adjourn sana matapos na ang discussion sa TWG,” pahayag ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat.
Wala namang itinakdang bilang ng pirma bago ito ibigay sa pangulo at Speaker Belmonte.
Magsasagawa rin ang R2KRK Coalition ng public awareness campaign gayundin ng off site signature stations na tatagal rin hanggang sa Hulyo 20.
Sa ngayon ay mayroong 160 member-organization ang koalisyon kabilang na ang Makati Business Club, Philippine College of Physicians, Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, Philippine Press Institute, FOI Youth Initiatives at #scrappork Network. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)