MANILA, Philippines — Pagtaas sa presyo ng bigas ang isa sa nakikita ng grupo ng mga magsasaka na magiging epekto sa bansa ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Jimmy Tadeo, presidente ng National Rice Farmers Council (NRFC), posibleng maantala ang pagtatanim ng mga magsasaka sa kalagitnaan ng taon dahil sa kakulangan ng tubig sa irigasyon.
“Kapag naatraso ang planting calendar ng August. Aani ka ng November tatamaan ngayon yung consumer mo kasi hindi ka magaani ng October, November pa o December, eh pawala na yung mga inani ng Marso, Abril at Mayo.”
Ayon sa grupo, kung sa ngayon ay mataas na ang presyo ng palay, mas lalo na kung magkahigpitan pa sa suplay nito sa mga susunod na buwan.
“Pwedeng pumalo ang presyo ng palay mula P23 pwedeng maging P27 pwedeng maging P30. Maaaring ang presyo ng bigas ay umabot ng P50 dun sa tatamaan dahil tight ang supply,” saad pa ni Tadeo.
Sa ngayon ay sarado na ang distribusyon ng tubig ng Angat Dam para sa irigasyon. Ngunit ayon sa National Irrigation Administration (NIA), sa ngayon ay nasa isang libo na lamang ang natitirang nakatanim na palay sa Pampanga at Bulacan na umaasa sa Angat Dam at sa katapusan ng Mayo ay aanihin na rin ito.
Base sa karanasan, nasa 10-15% ng palayan ang naaapektuhan kapag may El Niño.
Subalit sa pagkakataong ito, ibayong paghahanda aniya ang gagawin ng NIA dahil sa mas mahabang pag-iral ng panahon ng tag-tuyot.
Ayon kay NIA Administrator Claro Maranan, posibleng umabot pa sa 2015 ang nararanasan nating tag-tuyot.
“Normally, 1 to 3 months lang yung ating El Niño pero ngayon aabot ng last quarter at first quarter ng 2015. So magkakaroon kami ng assessment at pinatawag ko lahat ng regional managers sa thursday para magkaroon kami ng assessement.”
Hihilingin naman ng grupo ng mga magsasaka na magkaroon sana ng subsidiya sa pagkain at murang pautang sa panahon ng lean months o habang hindi pa sila umaani.
“Yung murang pagkain mabigyan mo siya di ba ganun. At saka yung kaunting pagpapautang na mababa lamang ang patubo single digit lang ang sinasabi namin,” saad pa ni Tadeo. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)