MANILA, Philippines – Ilang araw bago ang pasukan, nagsagawa ng school supplies special market monitoring activity ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang bookstore sa Metro Manila.
Ayon kay DTI Secretary Gregory Domingo, layon ng kanilang inspeksyon ang matiyak na walang magtataas ng presyo ng school supplies nang lagpas sa suggested retail price (SRP).
“Siguraduhin mo po na ang mga bibilhin nyo ay SRP gaya dito sa ating pinuntahan nakapaskil dito ang suggested retail price natin para malaman ng mga mamimili ang benchmark.”
Payo ng DTI sa mga mamimili, hanapin ang SRP na dapat ay nakapaskil sa mga tindahan upang malaman ang benchmark o aprubadong halaga ng isang produkto.
Pinayuhan rin ng DTI ang publiko na suriing maigi ang mga bibilhing gamit pang-eskwela at alamin kung may nakalagay na pangalan at address ng manufacturer na maaaring pag-saulian ng produkto sakaling mayroon itong depekto.
Sakali namang mayroong sumbong ukol sa mga nagsasamantala sa presyo ng school supplies, maaari itong i-report sa DTI hotline no. 751-3330.(Grace Casin & Ruth Navales, UNTV News)