MANILA, Philippines – Hindi pinapayagan ng Department of Education (DepED) ang mga guro o sinumang school personnel na magbenta ng sariling paninda nang direkta sa mga estudyante.
Ayon sa DepED, matagal nang ipinaiiral ang implementing guidelines sa operasyon ng mga kantina sa pampublikong paaralan na nagtatadhana lamang sa mga school operator, teacher cooperative at accredited concessionaires na mag-operate ng canteen.
Kung may negosyong pagkain ang isang guro, hangga’t maaari ay idaan ito sa operator o sa kooperatiba na nagpapatakbo sa kantina.
Ipinaalala rin ng DepED na alinsunod sa nasabing guidelines, tanging masusustansyang pagkain lamang ang maaaring itinda sa loob ng eskwelahan.
Babantayan naman ng Parents-Teachers Association (PTA) at Local Government Units (LGU’s) ang mga street food na ibinibenta sa labas ng paaralan upang makaiwas ang mga mag-aaral sa maruruming pagkain. (UNTV News)