MALOLOS CITY, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang anim na sugatang pasahero ng isang van matapos mabangga ng isang 20-wheeled truck sa North Luzon Expressway (NLEX) pasado alas-4 kaninang umaga, Martes.
Ayon sa driver ng van na si Rackie Basallote, pabalik na sila ng Maynila galing sa Apalit, Pampanga kasama ang labing tatlong iba pa nang banggain ng truck ang likurang bahagi ng kanilang sasakyan.
“Nasa NLEX kami, magpapa-gas kami, 60 po takbo namin nakasignal naman po kami. Biglang may bumangga sa amin na truck. Mabilis kasi yung truck, marami kasabay di na kami naiwasan. Nabasag nga mga salamin namin, ilaw namin.”
Depensa naman ng driver ng truck na si Eunidez Nunez, hindi nito napansin ang van sa kaniyang unahan kaya niya ito nabangga.
“Nakasunod ako sa van. Pagdating nung malapit na sa may Petron, bigla siyang nag-menor, eh ngayon kasunod ako sa kanya hindi ko na rin naiwasan, sa kaliwa’t kanan may mga sasakyan na mabibilis eh. Kung biglaan naman ako liliko makakaaksidente pa lalo kaya di ko na naiwasan nabangga ko na yung likuran van nila.”
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue, Pampanga and Bulacan chapter ang mga sugatang biktima at dinala sa Bulacan Medical Center sa Malolos City.
“Medyo masakit aking leeg at aking nguso, nauntog po sa upuan. Maganda po yung UNTV tumutulong muna sila bago magbalita, saka maganda po yung pakikitungo nila sa mga biktima,” pahayag ng isa sa mga biktima na si Devon Angot.
Kwento naman ni Roverick Josef, “Natutulog din po ako, paggising ko, pagbangon ko masakit na po ulo ko. Nakita ko po basag na po yung glass, eh medyo sumasakit na po ulo ko. Napansin ko po dumudugo malapit sa tenga ko. Salamat po sa UNTV at kay Kuya Daniel na nakaisip ng ganitong proyekto sa aming naaksidente.”
Nangako naman ang driver ng truck at ang amo nito na sasagutin ang pagpapagamot sa mga biktima at ang pagpapaayos sa nasirang sasakyan. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)
↧
Vehicular accident sa NLEX, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team
↧