MANILA, Philippines — Makapagpapatuloy na sa pagaaral ang may dalawang milyong kabataan sa bansa dahil sa pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, nadagdag sa mga benipisaryo ng 4P’s ang miyembro ng pamilya na may edad 15 hanggang 18.
Sa kabuoan ay nasa 10 milyon na ang mga estudyanteng benipisaryo ng 4P’s.
“Kasi nakita ng pangulo at ng ating kongreso na makakatulong ng malaki kung makatapos ng high school ang mga bata,” ani Soliman.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang pagtulong ng ahensya sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
Nitong Martes ng umaga ay nagbigay pa ng $1-million ang gobyerno ng Taiwan sa mga nasalanta ng bagyo.
Ayon sa kalihim, aabot na sa $22-million ang natatanggap na tulong ng kagawaran mula sa international community.
“Karamihan ay ibinibigay natin sa mga lokal na pamahalaan para magtayo ng transitional shelters at pagsisigurado ng pagsasagawa ng food distribution pa rin at livelihood,” saad pa ni Soliman.
Sa ngayon ay inaalam na ng DSWD kung sino pa ang mga pamilyang patuloy na tutulungan sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Inaasahang sa katapusan ng buwan ay posibleng ilabas na nila ang listahan.
Ayon naman kay Ambassador Raymond Wang ng Taiwan Economic and Cultural Office sa bansa, tuloy ang magandang relasyon ng Pilipinas at Taiwan sa kabila ng nangyaring shooting incident sa Balintang Channel na ikinasawi ng isang mangingisdang Taiwanese.
Hiwalay umano itong usapin kaya’t nakahanda naman silang tulungan ang mga karatig-bansa gaya ng Pilipinas sa mga oras ng pangangailangan tulad ng pananalasa ng kalamidad.
“Committed to its role as an international humanitarian assistant provider. I think we would love to do that, we don’t take any other factors into consideration,” ani Wang.
Ayon pa kay Ambassador Wang, bukas pa rin ang Taiwan para sa mga Pilipinong gustong magtrabaho sa kanilang bansa.
Sa ngayon ay nasa 100-libong OFW ang nagtatrabaho sa industrial at science park sa Taiwan habang ang iba naman ay mga caregivers.
“We appreciate their dedication and we hope they will be many opportunities for them to continue and to work in Taiwan,” saad pa nito. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)