MANILA, Philippines — Muling iginiit ng grupong Bayan Muna sa National Telecommunications Commission (NTC) na ipatupad na ang refund sa umano’y sobrang singil sa text ng ilang telecom company.
Ito ay sa kabila ng pag-apela ng Smart at Digitel sa Court of Appeals (CA) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban dito.
Ayon kina Bayan Muna Representatives Neri Colmenares at Carlos Zarate, marapat lamang na ipatupad ang refund order dahil noon pang Nobyembre 2012 ito inilabas.
Batay sa desisyon ng NTC, dapat isauli ng telcos ang 20-sentimos na sobrang nasingil sa mga subscriber mula noong Disyembre 2011. (UNTV News)