MANILA, Philippines – Isa nang ganap na batas ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 matapos itong lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa ilalim ng naturang batas, papatawan ng mas mabigat na parusa ang mga nagmamaneho na nasa ilalim ng impluwensya ng alak at iligal na droga.
Ang mga mahuhuli at mapatutunayang lumabag sa batas na ito ay makukulong ng tatlong buwan at magmumulta ng mula P20,000 hanggang P80,000, kung hindi magreresulta sa physical injury o hindi sinasadyang pagkamatay ang iligal na pagmamaneho.
Sa mga paglabag na nagresulta sa physical injury, ang multa ay mula P100,000 hanggang P200,000; habang ang nagresulta sa pagkamatay ng biktima ay magmumulta ng mula P300,000 hanggang P500,000.
Maaari ding sitahin at isailalim sa mandatory test ng traffic law enforcer ang sinomang driver na magpapakita ng palatandaang lango sa alak o droga.
“Under this law he may pull you over ask you to take sobriety test and if the law enforcement officers feels that you have fails the sobriety test you can now subjected to the use of a breath analyzer,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte .
Kung tatangging magpa-test ang driver, maaaring kumpiskahin at i-revoke agad ang kanyang lisensya.
Nanawagan naman ang Malakanyang na agad isumbong ang sinumang tauhan ng law enforcement agency na magsasamantala upang mangotong sa mga lalabag sa naturang bagong batas.
“The grievance mechanism are in place and we do encourage the reporting of law enforcement officers who may want to take advantage of this particular law,” ani Valte. (Nel Maribojoc & Ruth Navales, UNTV News)