NUEVA VIZCAYA, Philippines – Isa sa pinangangambahan ngayon ng mga magulang ng mga mag-aaral at ng pamunuan ng pampublikong paaralan sa bayan ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya ay ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Kinakailangan na maipaayos, masemento at malagyan ng foot path ang mga daanan ng mga estudyante paakyat sa kanilang paaralan na nakatayo sa tuktok ng bundok.
Gaya na lamang sa Tan Yan Kee Elementary School sa bayan ng Sta. Fe na bago ka makarating sa eskwelahan ay tatawid muna ng hanging bridge at tatawid sa ilog. Paglampas ng ilog ay kinakailangang umakyat ng 500 hundred meters upang marating ang eskwelahan.
“Siguro ung mga daan na mga daanan ng mga bata, kailangan i-semento yun kasi hindi naman sa tire path lahat dumadaan. May mga daan kasi na papunta sa school during rainy days maputik yun so kailangan eh lagyan ng foot path, i-semento”, saad ni G. Allan Paclit na school prinicipal ng Tan Yan Kee Elementary School.
Aabot sa dalawang daang mag-aaral sa naturang paaralan na karamihan sa kanila ay galing pa sa kabilang bundok.
Gaya na lamang ni Philip, isang Grade five student na para lamang makapag-aral ay naglalakad ng mahigit dalawang kilometro araw-araw papunta pa lang sa paaralan.
“Bumangon nga nasapa tapos agsukat tapos sumrek ditoy, medyo narigat mam ta ti kinaadayo na ngay ngamin mam”
“Marigatan no maminsan makabannog ti sumang at ken sumalog agriing ti nasapa tapno nasapa nga makaumay ditoy eskwela maturog ti nasapa haan nga agbuybuya ti tv haan nga agayayam”, pahayag naman ni Sharmaine Fragata na isa ring Grade five student sa naturang eskwelahan.
Bukod sa mahabang lakarin, pinangangambahan din ang pagkakaroon ng landslide ngayong tag-ulan sa nasabing eskwelahan.
Kung kaya naman pinapayuhan ng pamunuan ng Tan Yan Kee Elementary School ang mga magulang na ihatid ang kanilang mga anak pagpasok sa paaralan lalo na ang mga kindergarten .
Panawagan naman ng mga taga rito na sana ay malagyan na sa lalong madaling panahon ng kalsadang patungo sa paaralan. (Grace Doctolero, UNTV News)