MANILA, Philippines – Hindi pwedeng ipatupad ang singkwenta sentimos na dagdag pasahe kung walang kopya ng fare matrix ang mga jeepney operator at mga driver.
Ito ang binigyang diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasabay ng pamimigay nito kaninang umaga.
“Ang fare matrix namin ngayon ay walang bayad, free po naming dinidistribute”, pahayag ni LTFRB Technical Division OIC Lilia Coloma.
Maaari itong makuha sa lahat ng opisina ng LTFRB o di kaya’y ma-download sa website ng ahensya.
Epektibo ito sa June 14 at ipapatupad na ito sa National Capital Region, Region 3 at Region 4.
Kung dati ay eight pesos(₱8.00) ang minimum fare, ngayon ay magiging eight fifty(₱8.50) na ito.
Ibig sabihin, singkwenta sentimos sa unang apat na kilometro habang ₱1.50 naman sa mga susunod na kilometro ngunit mayroon pa ring 20% na discount na ipagkakaloob sa mga estudyante at mga senior citizen.
Pinaalala ng LTFRB na kailangang mailagay sa lugar na madaling makita ang mga fare matrix, dalawang libong piso ang multa sa mga jeepney driver at operator na hindi maglalagay ng fare matrix kapag ipinatupad na ang dagdag singil.
Ayon sa LTFRB, ang singkwenta sentimos na dagdag pasahe ay dumaan sa masusing pag-aaral na suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Masaya naman ang mga jeepney operator sa naging desisyon ng ahensya.
Anila, bagamat dalawampiso ang kanilang kahilingan payag na rin sila sa singkwenta sentimos upang hindi naman masyado makabigat sa mga pasahero.
Pangamba naman ng ilang driver na nakikipasada lamang ng jeep, maaaring tumaas din ang boundary na binabayaran nila sa operator.
Seven hundred pesos ang pinaka mababang boundary ng isang jeepney driver, sa singkwenta sentimos na dagdag pasahe, magiging seven hundred fifty na ito.
Ayon sa mga jeepney operator maaari naman nila itong mapagkasuduan ng driver.
“Pag-usapan ng mabuti para paghatian na lang kung magkano yung naidagdag paghatian nung tsuper at operator at patas”, saad ni LTO President Orlando Marquez.
Ang fare matrix ay ipamimigay ng libre hanggang June 13. (Mon Jocson, UNTV News)