Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Paglilitis sa homicide case kaugnay ng Balintang shooting incident, hiniling na ilipat sa Maynila

$
0
0

FILE PHOTO: 4 sa 8 Philippine Coast Guard personnel na nasasangkot sa Balintang Channel shooting incident sa pagharap nito sa preliminary hearing. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Pormal nang hiniling sa Korte Suprema ng walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na ilipat sa Maynila ang paglilitis sa kanilang kasong homicide na nag-ugat sa Balintang Channel shooting incident.

Sa kanilang petisyon sa Supreme Court, sinabi ng abogado ng mga tauhan ng PCG na hindi nila maipi presenta nang maayos ang kanilang kaso kung sa Batanes gagawin ang paglilitis.

Isinampa ang kaso sa Batanes Regional Trial Court Branch 13 dahil ito ang may hurisdiksyon sa pinangyarihan ng insidente.

Malaking gastos umano sa panahon at resources kung sa bawat araw ng paglilitis ay magbabalik-balik pa ang kanilang mga testigo at ebidensiya mula Maynila patungong Batanes.

Bukod pa rito ang kakulangan sa pera ng mga akusado na mga ordinaryong tauhan lamang ng coast guard at maliit lamang ang sinasahod.

Maaari umanong magresulta sa miscarriage of justice kapag hindi nila naipresenta nang maayos ang kanilang kaso.

Kaya’t pakiusap nila sa Korte Suprema, ilipat na lamang ang paglilitis sa kahit aling regional trial court sa Metro Manila.

Samantala, itinakda na ng korte sa Hulyo 7 ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa mga akusado.

Nag-ugat ang kasong homicide sa Balintang Channel shooting incident noong Mayo 2013 kung saan nasawi sa insidente ang isang mangingisdang Taiwanese nang paputukan ng mga tauhan ng coast guard ang kanilang sasakyang pangisda.

Depensa ng mga tauhan ng Coast Guard, tinangkang banggain ng mga Taiwanese ang kanilang barko kaya’t hinabol at pinaputukan nila ito upang mapahinto.

Bago ang insidente ay namataan ng Coast Guard ang mga Taiwanese na illegal na mangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas malapit sa lalawigan ng Batanes. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481