MANILA, Philippines – Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang gun amnesty program nito sa susunod na buwan.
Ito’y anim na buwan makalipas na malagdaan ang Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ayon kay PNP PIO Chief P/C Supt. Reuben Theodore Sindac, layon nito na mapalisensyahan ang mga baril na wala pa o matagal nang expired ang lisensya na umaabot na sa kalahating milyon.
“Final gun amnesty is in compliance to the Republic Act 10591, as well as all firearms especially the loose firearms will be accounted for,” pahayag nito.
Kaugnay ng bagong batas, muli namang nilinaw ng PNP na matagal nang ipinagbabawal ang non-appearance sa renewal ng lisensya ng baril at sa pagkuha ng permit to carry firearms outside of residence.
Ito ay upang linisin ang kanilang sistema at maiwasan ang pagmamay-ari ng baril ng mga hindi kwalipikado o iresponsableng gun owner.
“Hindi na pwede ang fixer, hindi na pwede ang proxy at hindi na pwede ang by bulk,” saad pa ni Sindac.
Tiniyak naman ng heneral na bukas na muli ang kanilang satellite offices na nasa PNP regional office.
“P/CSupt. Mabilin has already activated all SATOs and attach to the PESAGs, hindi nga lang kasing dami ng personnel,” pahayag pa ni Sindac.
Ipinasara noon ng pamunuan ng PNP ang mga satellite office nito sa mga lalawigan dahil sa katiwalian subalit muli itong binuksan matapos na pigilan ng Supreme Court ang centralization ng renewal ng firearms license. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)
↧
Gun amnesty program ng PNP, nakatakdang ipatupad sa Hulyo
↧