MANILA, Philippines — Nagpasaklolo na rin sa Korte Suprema si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes kaugnay sa kinakaharap nitong kasong plunder na nag-ugat sa pork barrel scam.
Sa kanyang petisyon sa Korte Suprema, hiniling ni Gigi Reyes na ipawalang-bisa ang finding ng probable cause ng Ombudsman laban sa kanya at maglabas ng temporary restraining order upang mapigil ang pag-usad ng kaso sa Sandiganbayan.
Si Reyes na dating chief of staff ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ay kasama sa mga kinasuhan ng plunder ng Ombudsman nitong nakalipas na linggo.
Ngunit giit nito, may grave abuse of discretion sa panig ng Ombudsman nang isampa nito ang kaso, sa kabila nang hindi umano siya binigyan ng pagkakataon na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Ni hindi umano siya binigyan ng kopya ng sinumpaang salaysay ni Ruby Tuason na pinagbasehan ng Ombudsman upang madiin siya sa kaso.
Ayon kay Gigi Reyes, paglabag ito sa kanyang karapatan sa due process.
May grave abuse of discretion din umano sa panig ng Ombudsman nang paniwalaan nito ang sinumpaang salaysay ng tatlong mga whistleblower sa pork barrel scam.
Bagama’t nabanggit umano ng mga whistleblower ang kanyang pangalan, walang sinabi ang mga ito na nakita o nakausap siya o kaya’y tumanggap ng pera kay Janet Lim-Napoles o sinoman sa mga tauhan nito.
Una namang naghain ng kaparehong petisyon sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla Jr. na sinampahan din ng kaparehong kaso ng Ombudsman. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)