Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

GPH Chief Negotiator, tiwalang masusunod pa rin ang itinakdang transition period sa ARMM sa 2015

$
0
0

Ilan sa mga kababayan nating muslim sa ARMM na nananawagan sa mga mababatas na ipasa na ang Bangsamoro Basic Law. (ALBERT ALCAIN / Photoville International)

DAVAO CITY, Philippines — Kinumpirma ni Government of the Philippines (GPH) chief negotiator Miriam Coronel Ferer na hindi na aabot sa huling session week ng Kongreso ngayong linggo upang maipasa ng Office of the President ang draft ng Bangsamoro Basic Law.

Ayon kay Ferrer, nauunawaan ng GPH at MILF peace panel maging ng mga bumubuo ng Bangsamoro Transition Commission kung bakit natagalan sa Office of the President ang nasabing dokumento.

“Isang buong batas yan so hindi naman ganun kadali, so bawat salita bawat linya kailangan talaga suriin at makita na maayos na maayos ang pagkalatag. So medyo matagal yung proseso na yan.”

“So ang target natin ay maisumite ito pagbukas na pagbukas ng kongreso sa Hulyo,” dagdag nito.

Tiwala rin si Ferrer matutuloy pa rin ayon sa itinakda ang pagsisimula ng transition period sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa taong 2015 sa kabila ng pagkabalam ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law sa kongreso.

Sinabi pa ni Ferrer na dahil sa masusing pag-aaral ng Office of the President sa Bangsamoro Basic Law ay magiging madali na ang pagpasa nito sa kongreso.

Aniya, “pwede tayong humabol kung anoman yung delay natin ngayon, pwede pa yang habulin ang mahalaga maganda talaga yung ibibigay para yung kongreso mismo ay hindi na mahirapan at makakuha ito ng malawak ng suporta.”

Umaasa rin ang opisyal na hindi makakaapekto sa pagbalangkas ng kongreso at senado sa basic law ang kontrobersiyal na PDAF scam na kung saan isinasangkot ang ilang mambabatas.

“Ang kongreso ay magiging functional pa rin naman at obligasyon din naman nila na ipagpatuloy ang kanilang tungkulin anoman mangyari o sinoman ang madawit sa imbestigasiyon na nangyayari,” dagdag pa ni Ferrer. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481