MANILA, Philippines - Wala pa ring inilalabas na desisyon ang Korte Suprema sa isyu ng legalidad ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Kasama na sa tinalakay sa en banc session ng mga mahistrado ang mga petisyon laban sa DAP simula noong nakaraang Martes.
Ngunit hindi pa nakakapagdesisyon ang mga mahistrado kung pagtitibayin ito o idedeklarang labag sa saligang-batas.
“There still is no decision yet on the DAP. No date given by the Court on which they will decide,” pahayag ni Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng Supreme Court.
Siyam na mga petisyon ang nakabinbin ngayon sa Korte Suprema at humihiling na madeklarang labag sa saligang-batas ang DAP.
Ang DAP ay isang paraan ng paggugol ng pondo ng pamahalaan na ipinatupad ng administrasyong Aquino mula 2011 hanggang 2012.
Naglalayon itong mapabilis ang paggugol ng pamahalaan at mapalago ang ekonomiya ng bansa.
Ngunit ayon sa mga petitioner, wala itong pinagbabasehang batas at sinasaklawan nito ang kapangyarihan ng Kongreso sa paglalaan ng pondo.
Nagprotesta kanina sa harap ng Korte Suprema ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Bayan Muna upang mag-abang sana sa desisyon ng korte.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, hiling nila sa mga mahistrado na wag nang patagilin ang desisyon sa DAP.
“Hindi na rin ito pwedeng patagalin lalo’t lalo na nga ngayon na umiinit at umiinit uli ang usapin ng pork barrel, mayroon nang sinampahan ng kaso, mayroon pang sasampahan raw ng kaso. At ito ay kabahagi ng tinatawag nating maanomalyang pork barrel system kaya’t ito ay inaabangan din ng tao,” ani Zarate.
“Dapat desisyunan na ito kasi naghihintay ang taong-bayan hindi pwedeng i-delay nang i-delay dahil ang mga tao ay galit na nga dito sa pork barrel lalo na ang pork barrel ng presidente na umaabot sa trillion,” pahayag naman ni Gabriella Partylist Representative Luz Ilagan.
Dismayado naman ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa pagpapaliban ng desisyon sa DAP.
“Siyempre bilang mga petitioner, dismayado tayo na hindi pa rin madesisyunan itong DAP. matagal na ho nating inaabangan ito at napapanahon na ngayon ilabas na ang desisyon dahil pinaguusapan nga yung accountability sa pork barrel scam, at gusto rin nating magkaroon ng accountability dito sa usapin ng DAP dahil ito ay ginamit din sa hinihinalang mga katiwalian,” pahayag ni BAYAN Secretary General Renato Reyes.
Nangangamba rin ang mga petitioner na posibleng maimpluwensiyahan ang desisyon ng korte.
“Ang problema ho natin eh habang tumatagal eh hindi ho natin mawari kung ano ang maaari pang gawin ng Palasyo upang subukang impluwensiyahan ang korte, yun lang ho ang pinangangambahan natin,” saad pa ni Reyes.
Tiniyak naman ng BAYAN na isa ang DAP sa mga isyung dadalhin nila sa kilos-protesta sa kalsada sa darating na Huwebes. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)