NAGA CITY, Philippines – Eksakto alas-8 ng umaga kanina, sabay-sabay na itinaas ang watawat ng Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang pakikiisa sa pagdiriwang sa ika-116 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng ating bansa ngayong Huwebes.
Sa Naga City Camarines Sur sa Bicol, sentro ng pagdiriwang ang pagbibigay ng parangal ni Pangulong Benigno Aquino III sa 15 Bayani ng Bikol, na kilala bilang “Quince Martires”.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na malaki ang naging papel ng mga ito sa naganap na rebolusyon na nagbigay ng daan sa kalayaang tinatamasa natin ngayon sa ating bansa.
“Ngayong Araw ng Kalayaan, sama-sama po tayong nagbibigay-pugay sa mga bayaning ipinaglaban ang tama. Gamitin natin silang inspirasyon sa patuloy nating paglalakbay sa daang matuwid. Isapuso natin ang iniwan nilang aral: Ang malasakit sa ating kapwa ang maghahatid sa atin sa mga inaasam-asam natin bilang isang lahi. Sa ganitong paraan lamang po natin masasabing tunay tayong karapat-dapat sa kanilang mga sakripisyo; sa ganitong paraan lamang po natin maitataguyod ang isang Pilipinas na ganap na makatarungan at Malaya.”
Pinangunahan naman ni Vice President Jejomar Binay ang flag raising ceremony sa Luneta Park sa Maynila, kasama sina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario at Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada.
Pagkatapos nito ay nagbigay-pugay sila sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa kaniyang monumento.
Pinangunahan naman ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang paggunita sa Araw ng Kasarinlan sa bahay ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
Kasama ni CJ Sereno sa pagdiriwang si Transportation and Communication Secretary Joseph Emilio Aguinaldo “Jun” Abaya.
Bago ito ay pinangunahan ng punong mahistrado ang pag-aalay ng bulaklak sa libingan ni Heneral Aguinaldo na isa sa mga lider ng himagsikan laban sa mga kastila.
Sa balkonahe ng mansyon ni Aguinaldo, unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas kasunod ng pagbasa ng proklamasyon ng kasarinlan mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898.
Sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City, pinangunahan naman ni Senate President Franklin Drilon ang pagtataas ng ating bandila.
Kasama nito si Senador JV Ejercito, San Juan Mayor Guia Gomez, Vice Mayor Francisco Zamora at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan at mga estudyante.
Itinayo ang Pinaglabanan Shrine bilang pagkilala sa mga katipunerong nakipaglaban para sa ating kalayaan.
Sa Barasoin Church sa Malolos City sa Bulacan, kung saan itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas, isang maikling programa rin ang isinagawa ng mga Bulakenyo.
Tampok dito ang flag raising ceremony at pagaalay ng bulaklak sa monumento ni General Emilio Aguinaldo na pinangunahan ni MMDA Chairman Francis Tolentino kasama ang ilang lokal na opisyal at world war veterans.
Samantala, bagama’t umulan ay tuloy pa rin ang isinagawang programa sa harapan ng Pamintuan Mansion sa Angeles City, Pampanga.
Ayon sa kasaysayan, ang Pamintuan Mansion ang ginawang command post ni General Antonio Luna at headquarters naman ni Arthur Mcarthur na pinagkulungan sa mga nadakip nilang mga Pilipino noong 1901.
Sama-sama naman ang lokal na pamahalaan, PNP at AFP, Philippine Coast Guard , BFP, DENR at Philippine Red Cross sa Masbate sa isinagawang flag raising ceremony sa capitol grounds sa Masbate.
Samantala, maging sa lahat ng kampo ng Philippine National Police ay sabay-sabay tinaas ang bandila sa paggunita ng Araw ng Kasarinlan.
Sa Camp Crame sa Quezon City, pinangunahan ni Deputy Chief for Operations P/DDGen. Leonardo Espina at ni Deputy Chief for Administration P/DDGen. Felipe Rojas.
At isinagawa naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nationwide simultaneos blowing of ship’s horn sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa.
Ang pag-busina ng mga barko ng PCG ay isang tradisyon ng maritime community bilang pagpupugay sa kalayaan ng Pilipinas. (Allan Manansala / Ruth Navales, UNTV News)