MANILA, Philippines — Kabilang si Manila Representative Amado Bagatsing sa isinumiteng supplemental affidavit ni Janet Lim-Napoles kaugnay sa iba pang sangkot sa PDAF scam.
Naging agent umano ni Bagatsing si Mina Nieva, anak ni Congressman Ernesto Nieva.
Nakasaad sa page 22 ng affidavit ni Napoles na kumuha ng rebate mula sa proyekto ni Bagatsing na dumaan sa Technology Resource Center (TRC) noong 2007.
Ayon kay Napoles, si Bagatsing ay naglaan ng isang milyong piso ng kanyang PDAF sa isa sa kanyang foundation at tumanggap ng 40% rebate.
Ani Bagatsing, “Halos isang taon na ito eh palaging nili-link pangalan ko at wala naman silang ebidensya at haka-haka. Ako naman dala ko ebidensya ko kung papaano nila ninakaw yung aking P900,000 sa TRC. I can prove yan na ako’y naging biktima.”
Ayon pa kay Bagatsing, nakahanda niyang sagutin sa korte ang mga alegasyon sa kanya. Wala rin umano syang ahente na ginagamit para sa kanyang PDAF at di pa sya kongresista noong 2007.
“Magsabi ka (Napoles) ng totoo, sa iyong sinumpaang salaysay sinabi mo na ahente ko si Mina Nieva eh hawak ko affidavit na di kami magkakilala ni Mina Nieva at wala akong inootorisa na tumanggap ng anomang pananalapi para sa akin,” mensahe ni Bagatsing kay Napoles.
Sinampahan na ng kasong perjury ni Bagatsing si Napoles noong nakalipas na linggo.
Lumabas sa ilang pahayag na kabilang si Bagatsing, Senador Gregorio Honasan at TESDA Director General Joel Villanueva sa mga 3rd batch na sasampahan ng reklamo ukol sa PDAF scam.
Samantala, ipinahayag ng Malakanyang na buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Aquino sa kanyang mga kaalyado na bagama’t isinasangkot sa PDAF scam.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., hintayin na lamang ang pahayag ng DOJ ukol sa third batch na sasampahan ng reklamo.
“Mas mainam na hintayin natin ang gagawing hakbang o opisyal na pahayag ng DOJ tungkol sa kanilang pagsisiyasat ng mga usapin hinggil sa PDAF,” ani Coloma. (Bryan De Paz / Ruth Navales / UNTV News)