TAGUIG CITY, Philippines — Balik na sa normal ang sitwasyon ng mga kalye sa paligid ng Serendra sa Bonifacio Global City sa Taguig City matapos ang nangyaring pagsabog noong gabi ng Biyernes, Mayo 31.
Bukas na sa trapiko ang 22nd Street kung saan bumagsak ang bahagi ng pader ng sumabog na condo unit ng 2 Serendra-B.
Ayon kay DILG Secretary Mar Roxas, ngayong araw ay kukunan ng pahayag ang mga residente at mga testigo para mabuo na ang timeline at maikumpara sa closed circuit television (CCTV) footage.
Sinimulan na rin ng mga imbestigador ang pagsisiyasat sa gas pipeline ng gusali.
Sa ngayon ay hindi pa natutukoy kung ano ang dahilan ng pagsabog lalo’t wala pang nakikitang triggering device sa lugar.
Wala ring nadiskubreng fumes o residue ng bomba ang mga bomb sniffing dog na ikinalat sa lugar.
“Itong 3 teams of bomb sniffing dog na ito hindi sila nagregister ng possitive indications, hindi pa natin sinasabi na hindi ito bomba pero ito factual ito masasabi natin na doon sa tatlong team ng bomb sniffing dogs hindi sila nag-register ng pag-amoy ng fumes o residue na nagmumula sa pangkaraniwang bomba,” ani Roxas.
Magugunitang tatlo ang kumpirmadong nasawi habang lima naman ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa nasabing condo unit.
Nangako naman ang pamunuan ng Ayala Land Corporation na makikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon at magbibigay ng kaukulang tulong sa mga naapektuhan ng pagsabog. (UNTV News)