MANILA, Philippines — Nakikipagtulungan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga nawawalang AK-47 rifle.
Ayon kay AFP PAO Chief, Lt. Col. Ramon Zagala, ibinigay na sa PNP ang mga nabawi ng militar na AK-47 rifles mula sa New People’s Army (NPA).
“We made this firearms availbale for them, for investigation purposes.”
Sinabi pa ni Zagala na malaki ang tiwala nila sa ginagawang imbestigasyon ng PNP upang malaman kung saan nanggaling ang matataas na kalibre ng baril na ginagamit ng mga rebeldeng grupo tulad ng AK-47.
“Siyempre itong mga baril na to ay concern natin dahil ito ang nasa kamay ng New People’s Army at pinararating natin sa PNP itong mga baril na ito,” saad pa ni Zagala.
Kinumpirma rin nito na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 49 na AK-47 ang nakukuha ng militar mula sa mga rebelde sa mga engkwentro sa Eastern Mindanao Command lalo na sa CARAGA Region at Davao provinces.
Nasa 19 na tauhan at opisyal ng PNP kabilang ang limang heneral ang iniimbestigahan ngayon ng PNP-CIDG dahil sa pagkawala ng mahigit isang-libong AK-47 na umano’y napasakamay ng NPA. (Bernard Dadis / Ruth Navales, UNTV News)