MANILA, Philippines – Minomonitor na ng Bureau of Immigration(BI) kung may mga nakalabas na ng bansa sa mga nai isyuhan ng Hold Departure Order (HDO) sa mga akusado sa pork barrel scam.
Simula pa noong Lunes, ipinag-utos na ni BI Commissioner Siegfred Mison ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng immigration ports kagaya ng airport at seaports.
“Ang total na na-receive natin ay 94, pero ,meron pong duplicates po yun. So ngayon po vine-verify natin sila kung nandito sila sa bansa o wala po”, saad ni Atty. Elaine Tan, Spokesperson ng Bureau of Immigration.
Aminado ang immigration na nahihirapan sila sa pag-beripika dahil ilang personalidad na nabigyan ng HDO ang may kapangalan at hindi sapat ang impormasyon upang ma-identify.
“Kasi po may mga subjects po dito na may kapangalan din dito na may travel record din pero iba yung date of birth. Pwede rin pong madelay yung processing sa kanila kasi iaa-certain pa if you’re the same person as the person in the list”, dagdag nito.
Ayon sa BI, pagharang lamang sa immigration area ang kanilang magagawa dahil wala pa namang arrest order sa mga ito.
Agad naman nilang irereport sa korte at sa DOJ kung mayroong magpupumilit na makalabas ng bansa.
“Pwede natin syang i-refer sa ibang officers na nag-iimplement ng batas at kasuapin lang po or iinform yung court na may ganitong incident, irereport lang natin sa agency”, ani Atty. Tan.
Samantala, ayon kay Secretary Leila De Lima, wala pa namang naiuulat sa kanya ang Bureau of Immigration kung may nakaalis na sa mga akusado sa PDAF scam.
“So far wala pang report kung alin diyan. But i’m sure BI is already doing it. BI will immediately report to me if they are able to confirm na meron nang mga wala.”
Bukod kina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada, sakop din ng HDO at pinagbabawalang lumabas ng bansa iba pang akusado sa kasong plunder at katiwalian.
Kabilang na dito sina Janet Napoles, Budget Undersecretary Mario Relampagos at ang mga opisyal at empleyado ng NABCOR, Technology Resource Center at National Livelihood Development Corporation.
Sakop din ng HDO ang mga anak ni Janeth Napoles at opisyal ng kanyang mga umanoy pekeng NGO na ginamit sa pork barrel scam. (Pong Mercado, UNTV News)