MANILA, Philippines — Bukod sa pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin, marami ring mamimili ang nababahala sa nakaambang pagtaas ng halaga ng gatas sa susunod na buwan.
Paliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Gregory Domingo, bunsod ito ng mataas na demand ng gatas sa ibang bansa tulad ng China.
“Tumaas yung world prizes ng gatas dahil ang nangyari lumakas yung demand ng China sa gatas, nakikikumpitensya tayo sa pagbili ng gatas sa abroad,” anang kalihim.
Sa darating na Hulyo 1, tataas ng halos 0.6% hanggang 8% ang posibleng madadagdag sa presyo ng evaporated, condensed at powdered milk.
Ibig sabihin, tataas ng halos tatlong piso ang halaga ng gatas sa mga pamilihan.
Kung ang dating P39.90 presyo ng condensed milk, sa susunod na buwan ay P42 na ito, habang ang evaporated milk naman na dating P36.90 ay magiging P39.00.
Samantala, ang 300 grams na powdered milk na dating P91.50 ay magiging P96.
Reklamo ng mga mamimili, magiging mabigat ito para sa kanilang budget sakaling tumaas ang presyo ng gatas.
Bukod sa gatas, tumaas din ang presyo ng kilo ng manok at baboy sa mga pamilihan.
Ang dating P140 kilo ng manok, ngayon ay nasa P145 na ang kada kilo nito. Ang liempo naman na dating P190 ang kilo, ngayon ay nasa P220 pesos na.
Ang dating P140 na kilo ng pata ngayon ay nasa P160 na.
Habang ang laman ng baboy na dating P180 ngayon ay P200 na.
Dahil sa mataas na presyo ng mga bilihim, mapipilitan ang ilangconsumer na magtipid sa pagbili ng manok at baboy sa pamilihan.
Tiniyak naman ng DTI na sa susunod na dalawang buwan ay babalik na sa normal na presyo ng karne sa mga pamilihan. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)