MANILA, Philippines– Ikinatuwa ni Senador Juan Ponce Enrile ang pagbisita at surpesa sa kanya kahapon sa senado ng mga local official ng Cagayan province.
Nagpakita sila ng suporta sa senador sa gitna ng kinahaharap nitong kaso ukol sa pork barrel scam.
Nagpasalamat si JPE sa kanila at sinabing wala siyang sama ng loob ng siya ay sampahan ng kaso.
Anya, walang ibang makapaghuhusga sa kanila kundi ang ahensyang inatasan sa ilalim ng Saligang Batas – ang hukuman sa bansa
“Asahan ninyo na habang mayroon akong hininga, may lakas at sapat na pag-iisip ay ipaglalaban ko ang aking alam na katotohanan, nang sa ganun ay maliwanagan ang kaisipan ng sambayanang Pilipino lalo na ang mga kababayan ko sa Cagayan na ako’y lumaki at nakilala ng madla”, ani Enrile.
Ikinuwento rin ni Enrile sa kanyang talumpati na simula ng pumasok siya sa pulitika, matapos ang EDSA revolution ay nakukulong siya dahil sa ibat-ibang kaso at akusasyon ngunit napawalang sala naman siya ng korte.
Naniniwala ang beteranong senador sa matuwid na hustisya sa bayan.
Anya, karamihan sa mga huwes at hukom sa bansa ay matutuwid at sumusunod sa daang matuwid
“Paniniwala ko na dito sa aking hinaharap na kaso, patas-patas lang, walang pwersahan at walang lamangan. eh palagay ko mauulit na ako’y mapapalaya”, dagdag ng senador.
Ang anak naman nito na si dating Cagayan Representative Jack Enrile, inaming nag-aalala sa haharapin ng kanyang ama lalo’t matanda na ito at may karamdaman.
Hiling nila na sanay maaprubahan ang kanilang petition for bail at i-house arrest na lang si JPE.
“Kinakabahan pa rin kami lalo na at ngayon 90 years old na siya. Iba kapag nakulong ka ng 60. Hopefully na we been granted bail barring that sana pabayaan na sa bahay siya at mabantayan namin”, pahayag ni Jack Enrile.
Dagdag pa ni Jack, dahil sa isyu mas naging malapit at matatag ang kanilang pamilya.
Tiniyak naman ni Senador Enrile na mananatili siya sa Maynila upang maipakita na nakahanda siyang magpasakop sa judicial process nguni’t kung mabibigyan pa siya ng pagkakataon ay nais pa niyang bisitahin ang kanilang probinsya sa Cagayan. (Bryan De Paz, UNTV News)