MANILA, Philippines — Alas-8:30 ng umaga nitong Biyernes nang ilabas ng Sandiganbayan ang warrant of arrest kay Senador Bong Revilla at 32 iba pa.
Ilang oras ang lumipas dumating na rin si Revilla kasama ang pamilya.
Nakangiting bumaba ng sasakyan ang senador.
Dumiretso ito sa sheriffs office para kunin ang kanyang personal na impormasyon.
Doon na rin isinagawa ang booking o ang pagkuha ng magshot at finger printing.
Pinagbigyan naman ng korte ang motion to elect detention facilities na inihain ng kampo ni Revilla upang sa Camp Crame i-detain ang senador.
Pagkatapos ng booking at processing umalis na ito sa Sandiganbayan patungong Camp Crame sakay ng puting SUV.
Initakda na rin ng korte sa Hunyo 26 ang arraignment ni Revilla at kasabay na diringgin ang inihain nilang petition for bail.
Sa kabila ng non-bailable ang kasong plunder ayon kay Bodegon naniniwala silang mahina ang ebidensya laban sa kanyang kliyente.
Samantala, boluntaryong sumuko sa korte ang ilan sa mga co-accused ni Revilla sa kasong plunder at graft.
Boluntaryo nang sumuko si Richard Cambe ang dating director III sa opisina ni Revilla.
Si Cambe ay isa sa limang akusado sa kasong plunder.
Dito na isinagawa ang magshot at fingerprinting.
Hiniling ni Cambe na siya ay ikulong sa Camp Crame.
Boluntaryo na ring sumuko at nag-pinyansa si Dennis Cunanan na naglagak ng P210,000 para sa 7-counts of graft.
Si Cunanan ay dating director general ng Technology and Resource Center (TRC).
Pinagbigyan ng korte ang motion to reduce bail ni Chita Jalandoni sa 7
counts ng graft na kanyang kinakaharap.
Sa halip na P210,000 bumaba ang kanyang piyansa sa P90,000.
Si Jalandoni ay dating director ng National Livelihood Development Corporation (NLDC).
Humingi ng 50 porsiyentong bawas sa piyansa ang mga empleyado ng DBM na kapwa akusado ni Sen. Bong Revilla sa kasong graft.
Naghain ng motion to reduce bail ang abogado nina DBM Usec. Mario Relampagos, Rosario Nuñez, Laline Paule at Marilou Bare.
Sa kanilang mosyon, sinasabing P480,000 ang kabuoang kailangang bayaran na piyansa ng bawat isa kina Relampagos, Nuñez, Paule at Bare dahil sa 16 counts ng graft case.
Ngunit hindi umano kayang bayaran ang malaking halaga ng piyansa dahil sila ay mga empleyado ng gobyerno na mayroong fixed salary.
Dahil dito, hiniling nilang maibaba ng 50% o sa halagang P240,000 na lamang ang kanilang piyansa. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)