MANILA, Philippines — Marami ang binago ng Sandiganbayan sa mga ipinatutupad nitong sistema, partikular na sa usapin ng seguridad kaugnay sa arraignment nina Senator Bong Revilla at Janet Lim-Napoles sa kanilang kaso kaugnay ng pork barrel scam kahapon, araw ng Huwebes.
Mahigpit na ipinagbawal ang mga mamamahayag na hindi accredited ng Sandiganbayan, gayundin ang mga pribadong indibidwal sa loob ng korte.
Sa tala ng sheriff office ng anti-graft court, mahigit isang daang miyembro ng media – mula sa reporter at cameraman hanggang sa photographer ng print, radio, tv at online – ang nagpa-accredit at pumunta ng Sandiganbayan upang matunghayan ang paglilitis.
Subalit sa bilang na ito, tatlumpu lamang ang pinayagan ng Sandiganbayan na makapasok sa courtroom on a first come, first served basis.
Nangangahulugan ito na isang representative per media entity lamang ang pinapasok sa venue ng pagdinig.
Gayunpaman, hindi rin pinayagan ang mga ito na gumamit ng mga electronic gadget, katulad ng ipad at cellphone.
Paliwanag ng anti-graft court, maliit lamang ang courtroom at hindi nito kayang i-accommodate ang lahat ng media, ang mga abugado at kamag-anak ng mga akusado.
Sa darating na Lunes, Hunyo a-trenta, nakatakda namang basahan ng sakdal sa Sandiganbayan si Senator Jinggoy Estrada. (Bianca Dava, UNTV News)