MANILA, Philippines — Nasa sa 6.8-million pesos na halaga ng mga pekeng sapatos at eye glasses, kabilang ang mga pirated DVD ang sinira sa Camp Crame kaninang umaga.
Ayon kay Intellectual Property Office Director General Ricardo Blancaflor, bahagi ito sa nakumpiska nilang 20-million pesos worth of goods sa ibat-ibang lugar sa Maynila.
Sinabi pa nito na mahalaga ang ginagawa nilang pangungumpiska at pagsira sa mga pekeng produkto lalo na’t naalis na ang Pilipinas sa 301 watchlist sa buong mundo kaugnay ng counterfeiting na kabilang ang Pilipinas simula pa noong 1994.
“Ang implication kapag nasa listahan ka, sunod-sunod na tatlong taon na nasa watchlist ka, yung ibang benefits natin sa trading ay tatanggalin ng US. Kung meron tayong zero tariff sa ibang bagay ay baka lalagyan nila ng tariff.”
Iginiit pa nito na kung maayos ang ibinibigay na proteksyon ng Pilipinas sa mga produkto ay tiyak na maraming negosyo ang papasok sa bansa na magdadala ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
Ikinatuwa naman ng Optical Media Board ang pagkaka-alis ng Pilipinas sa 301 watchlist ng Amerika na binabantayan ang ipinatutupad na intellectual property protection and market access practices sa foreign countries.
Ayon sa opisyal, ito ang resulta ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa paglaban sa pamemeke at pamimirata.
“Yung hirap every year na ginagawa natin dito ay nagbunga ng magandang tesulta”, pahayag ni Optical and Media Board Chairman Ronnie Rickets.
Kaugnay nito tiniyak ni Rickets na tuluy-tuloy ang kanilang pakikipag-usap sa iba’t ibang organisasyon at negosyante upang ipaalam ang masamang dulot ng pamemeke sa ekonomiya ng bansa. (Lea Ylagan, UNTV News)