BOGOTA, Colombia — Isang feeding program ang isinagawa ng mga volunteers sa Amanecer En Cristo, isang orphanage sa Bogota, Colombia bilang bahagi ng isinasagawang community services sa iba’t ibang dako ng mundo sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng UNTV (Your Public Service Channel).
Labing-anim na matatandang Colombiano ang natuwa at nalugod dahil sila ang napili para sa feeding program.
Tatlong klaseng pagkain ang inihain sa mga lolo at lola sa naturang orphanage kabilang dito ang masarap na arroz con pollo, ensalada at cake para sa celebration ng UNTV.
Isa si Lola Beatriz Quinonez, 79 anyos at dalawang taon nang nasa loob ng home for the aged na ngayon lang nakaranas na mabisita ng mga Pilipino.
“Maraming salamat unang una sa Dios at sa inyo na bumisita ngayon pagkakataon at bumabati ako ng taos sa puso dahil ito ay isang importanteng gawain para sa sangkatauhan para sa tuloy-tuloy na paggawa para sa mga matatanda na hindi kilala. Maligayang pagbati.”
Maging ang pamunuan ng Amanecer En Cristo ay natuwa at taos-pusong nagpasalamat sa mabuting gawain na ipinagkaloob sa kanila.
“Nagpapasalamat kami sa mga kapatid na nanggaling sa Iglesia ng Dios para magpakain ng tanghalian sa mga matatanda, nagpapasalamat ako mula sa aking puso dahil ito ay isang gawain na mabuti para silay mapasigla at isang bagay na napakabuti para sa kanila at sa amin na tumutulong sa tahanan na ito,” pasasalamat ni Luz Marina Cifuentes, namamahala sa Amanecer En Cristo. (Cecil Bodeña / Ruth Navales, UNTV News)