MANILA, Philippines — Sa pamamagitan ng unanimous na botohan ay idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas o unconstitutional ang paggamit ng Administrasyong Aquino ng pondo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program o DAP at National Budget Circular Number 541.
Lahat ng labing tatlong mga mahistrado ay bumoto pabor sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Lucas Bersamin habang nag-inhibit o hindi nakisali sa botohan si Associate Justice Teresita Leonardo De Castro.
Batay sa naging desisyon ng Korte Suprema, labag sa Section 25, Article 6 ng Constitution at sa Separation of Powers ang pagkuha ng pondo sa mga implementing agencies at pagdedeklara dito bilang savings bago pa man matapos ang taon.
Illegal din ayon sa Korte Suprema ang paglilipat ng savings o pondo mula sa executive department patungo sa ibang mga ahensiya ng gobyerno labas sa executive department.
Halimbawa nito ang pagbibigay ng palasyo ng 50-million pesos sa bawat senador matapos ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Illegal din at labag sa Saligang Batas ayon sa Korte Suprema ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong wala sa National Budget na ipinasa ng Kongreso.
Pinawalang-bisa din ng Korte Suprema ang paggamit ng unprogrammed funds dahil sa hindi pagsunod sa mga kondisyon ng General Appropriations Act.
“The court partially grants the petitions… so ordered”, pahayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te.
Samantala, sa kabila ng pagdedeklarang illegal ang paggamit sa DAP, walang binanggit ang Korte Suprema kung dapat managot dito sina Budget Secretary Butch Abad at si Pangulong Aquino.
Ngunit ayon sa ilang mga petitioner laban sa DAP, hindi pwedeng walang mananagot dito sa sinasabi nilang paglustay sa kaban ng bayan.
“Kung illegal ang DAP, kung mayroong maling ginawa, hindi naman uubra na walang mananagot para dito. So ang tinatanong natin at hinihintay natin ano ang pananagutan ni Sec. Butch Abad, ni Pangulong Aquino dahil hindi kami naniniwala in good faith nangyari ang lahat ng ito”, saad ni Bayan Secretary General Renato Reyes.
“Kailangang palalimin, kailangang pag-aralan kasi ang mga mamamayan, kapag pinag-usapan ang pondo ng bayan, ang concern niyan kapag may naglustay, kailangang papanagutin yung mga sangkot at yung pondo na nilustay ay ipakita at ilantad kung sino talaga ang may pananagutan at lapatan ng karampatang kaparusahan”, Gabriela Party-List / Petitioner vs. DAP Representative Emmi De Jesus.
Pero sa ngayon ay hihintayin muna ng mga petitioner ang kabuuan ng desisyon ng Korte Suprema at aaralin ito kung ano ang susunod na magiging hakbang nila. (Roderick Mendoza, UNTV News)