MANILA, Philippines —Hindi na magsasayang pa ng oras ang ilang miyembro ng Makabayan bloc sa kamara upang simulan ang pagbalangkas sa impeachment complaint na kanilang ihahain laban kay Pangulong Aquino.
Ito’y matapos na ideklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program o DAP.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Teri Ridon, dapat mapanagot si Pangulong Aquino at Department of Budget and Management (DBM) Sec. Butch Abad sa ilegal na paggamit ng DAP.
Sinabi nitong malinaw na ito ay papasok sa “culpable violation of the constitution” at “betrayal of public trust” na isang ground for impeachment.
Nais rin ng grupo na magbitiw na bilang kalihim ng DBM si Abad at kasuhan ng “malversation of public funds” dahil umabuso umano ito sa paggamit ng pera ng bayan.
Samantala isa namang tagumpay na maituturing ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares ang desisyon ng Korte Suprema bilang isa sa petitioners na unconstitutional ang ang paggamit ng pondo sa ilalim ng DAP.
Aniya, noon pa man ay sinasabi na nila na labag sa batas na kunin ang savings ng ibang departamento at ilipat sa ibang proyekto nang hindi dumadaan sa Kongreso.
Sinabi nito na kahit na hindi nila matiyak na makakakuha ng suporta sa kapwa nila mga kongresista ay buo na ang kanilang pasya na ihain ang impeachment complaint laban sa pangulo.
“It goes to the question na may accountability ba si P-noy at Sec. Abad? Yes! There is accountability at dapat panagutin sila doon malaking pera ang nawaldas sa DAP”, pahayag ni Colmenares.
Samantala, hinarang na agad ni Eastern Samar Representative at Liberal Party Member Ben Evardone ang paggawa ng impeachment complaint.
Ayon kay Evardone na walang basehan at hindi uusad ang impeachment complaint.
Para kay Evardone, malaki ang naitulong ng DAP sa paglago ng ekonomiya ng bansa. (Grace Casin, UNTV News)