MANILA, Philippines –Inihayag ni whistle blower Benhur Luy sa pagdinig ng Makati RTC kahapon ng umaga, Martes, ang mga naganap habang nakadetine siya sa bahay ni San Jose sa 52 Lapu-lapu Street, Magallanes Village, Makati city.
Batay sa pahayag ni Luy sa korte, December 19 ,2012 nang ikulong siya sa retreat house at tumagal ito hanggang March 2013 upang mapigilan siya na magsalita tungkol sa PDAF scam.
Galit at nagsisisigaw umano noon si Napoles, at sinasabing dapat siyang ikulong .
Sinabi pa ni Luy na apat na beses siyang dinalaw ng kanyang pamilya, ngunit hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang mga ito dahil sa tinatakot sila ng kapatid ni Napoles na si Jojo Lim.
Matatandaang una nang ipinahayag ng magkapatid na Jojo at Janet na si Benhur na dating empleyado ng JLN group of companies ay nasa bahay ni San Jose para sa isang spiritual retreat.
Ayon kay Luy, naikwento niya kay Monsignor Ramirez ang lahat ng maanomalyang transaksyon ni Napoles kaugnay ng PDAF scam sa pag-asang matutulungan siya nitong makaalis ng retreat house.
Dagdag pa ni Luy,may pagkakataon din na kinausap siya ni John Ray Mijares, isa sa mga security personnel na nagbabantay sa kanya.
Sa paguusap, sinabi umano ni Mijares nais nitong humingi ng tawad sa kanyang pamilya dahil umano sa pagsisinungaling at ginagawa lamang niya iyon,bilang pagsunod sa utos ni Napoles.
Dakong alas-nuebe singkwenta ng umaga nang dumating sa korte si Luy kasama ang kanyang pamilya, abogado na si Atty. Raji Mendoza at ang ilang mga miyembro ng Intelligence Security Operations group ng Department of Justice.
Nagpasalamat si Benhur Luy sa walang sawang pagsuporta sa kanya ng taong bayan,
“Ito ay bunga ng pagod ng bawat isa sa atin at ng taong bayan sa patuloy na pagmamatyag. iniimbitahan ko kayo na patuloy na magbantay. gagawin namin yung para sa aming mga bagay na dapat iparating sa taong bayan.”
Dumalo naman sa panig ni Napoles ang mga abogado nito na sina Atty. Bruce Rivera, kasama sina Atty. Jesus Vicente Capellan at Atty. Marietonie Rene Ressureccion.
Si Atty. Bruce Rivera ang pumalit na lead counsel ng depensa, nang magsumite si Atty. Villamor ng notice of withdrawal of apperance noong June 17.
Dismayado naman si Atty. Bruce Rivera dahil hindi nito agad nakuha ang kopya ng transcripiton ng mga testimonya ni Luy sa mga nakaraang pagdinig,na makatutulong aniya sa para mapag-aralan niyang mabuti ang kaso.
Nakatakda ang susunod na pagdinig sa darating na ika-5 ng Agosto, ganap na 9:30 ng umaga kung saan ihaharap na ng depensa ang hawak nilang mga testigo. (Joan Nano, UNTV News)