MANILA, Philippines —Ang Coco Levy o pondo ng coconut sector ay maaari nang magamit sa oras na maipasa ang isang executive order na isinusulong ni Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization Secretary Kiko Pangilinan.
Ayon kay Pangilinan, bubuo sila ng isang grupo na magtatrabaho sa pagbuo ng draft ng executive order.
“Ito ang naiisip nating pinakamabilis at pinakamaayos na paraan para magamit na ng mga magsasaka ang Coco Levy.”
Ang coco levy ay ang pondong matagal nang kinokolekta mula sa mga magniniyog na hanggang sa ngayon ay hindi pa nababawi mula sa gobyerno. Umabot na ito ngayon sa 73 billion pesos.
Ang halagang ito ay magagamit sana ng sektor ng agrikultura lalo na doon sa mga nasalanta ng kalamidad at ng pesteng Cocolisap.
Ngunit dahil walang malinaw na polisiya ang gobyerno kung paano gagamitin ang pondong ito, hindi ito mapakinabangan ng mga magsasaka.
Hindi pa man nabubuo ang grupong sinasabi ni Pangilinan, nagsagawa na ang Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid ng Pilipinas ng isa namang draft initiative bill sa Kongreso ukol sa polisya sa paggamit ng Coco Levy Fund.
Ayon kay Secretary Pangilinan, ang sektor ng magniniyog ang pinakamahirap na agricultural sector ngayon, at kung sakaling maaprubahan ng presidente ang gagawing draft na executive order, malaking pagbabago ang maihahatid nito sa sektor.
“Saying na tataas ang lebel ng pamumuhay ng sektor, dadami ang programa para sa kanila, bubuti ang buhay”, ani Pangilinan. (Joyce Balancio, UNTV News)