CEBU CITY, Philippines — Nahirapan sa pagboto ang ilang senior citizens lalo na ang mga may kapansanan sa Abellana National High School sa Cebu City.
Dismayado si Mang Constantino Ayag, 76-anyos, matapos malaman na nasa ikalawang palapag pa pala ng gusali ang kaniyang presinto.
Ayon kay Mang Constantino, mahirap na sa kaniyang edad na pumanhik at bumaba sa naturang gusali.
Dahil dito, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang matanda at hinikayat na sumakay na lamang ng wheelchair, subalit hindi na napilit ang matanda.
Nagmagandang loob naman ang naka-assign na Board of Election Inspector (BEI) at pinayagan na rin si Mang Constantino na makaboto sa ibaba ng gusali.
Kabilang ang isang pulis, support staff at watcher sa mga nag-escort sa matanda habang bumoboto.
Ayon kay COMELEC Region 7 Director Atty. Temie Lambino, pinapayagan nila ang ganitong sistema lalo na at may kapansanan ang isang botante.
“Ang maganda sa panahong ito may innovation tayo, ang importante nito na ang mga taong ito who wanted to vote, who can’t carry themselves sa mga presinto para di masayang ang boto, lahat ng tao makaboto.” (Naomi Sorianosos & Ruth Navales, UNTV News)