MANILA, Philippines – Tiniyak ng COMELEC na ligtas at hindi mapapakialaman ang kanilang consolidation and canvassing system (CCS) na gagamitin sa pagsuma ng resulta ng halalan.
Ayon kay COMELEC Commissioner Christian Robert Lim, may inilagay na safeguard sa transmission ng resulta mula sa PCOS machine patungong CCS.
Una, ginamitan ng 256 bit na encryption ang resulta na ita-transmit ng PCOS machines kaya mahirap na ma-hack ito o mabuksan ng sinoman.
Pangalawa, tatanggapin lamang ng CCS ang transmission mula sa mga PCOS machines na rehistrado dito.
Ayon pa kay Lim, may solusyon na rin ang COMELEC sakaling hindi makapag-transmit ang PCOS sa CCS.
“Isang ginawa naming bagong contingency is that, pag hindi mag-transmit yung PCOS, dadalhin ng BEI yung CF card sa canvassing. Meron kaming pinapa-standby na PCOS doon para isasaksak nila doon at ita-transmit nila at matse-tsek.”
Ayon pa kay Lim, kailangan lamang aniya na i-print muna ang election returns bago dalhin sa canvassing center ang CF card upang maiwasan na ito’y mapalitan.
Sa ganitong paraan ay maikukumpara ng mga watcher ang resultang pumasok sa CCS sa election returns na hawak nila.
Dumaan din sa stress test ang canvassing machine at pumasa ito kaya’t walang magiging problema kung sabay-sabay ang transmission ng mga data mula sa PCOS machines. (Bernard Dadis & Ruth Navales, UNTV News)